Archive for June, 2014

sabi ko noon magtitira ako ng kahit kaunti para sayo. sabi ko hindi ko ibibigay ng buo sa iba ang kung anumang kaya ko pang ialay. sa dami ng mga napagdaanan at natutunan ko, nalaman kong marami palang kayang baguhin ang panahon. mahirap magsalita ng tapos. mahirap magplano. mahirap umasa. 

sabi ko noon magtitira ako ng kahit kaunti para sayo. hindi naman natin hawak ang oras at mga lumilipas na araw. akala ko imposibleng tumalikod ng lubos.

sabi ko noon magtitira ako ng kahit kaunti para sayo. pero sa pag-andar ng oras, hindi ko na mahanap yung ako na nagbitaw ng mga salitang yon. natutuyo nga pala ang puso at nakakalimot ang isip. 

sabi ko noon magtitira ako ng kahit kaunti para sayo. parte ng mga plano ng pag-usad. kabilang sa pagsalubong sa bagong hinaharap. may mga alaala akong laging nasa tistisan ng memorya. sinilip ko sila kagabi, tuyo na at malamya.

sabi ko noon magtitira ako ng kahit kaunti para sayo. pero hindi pala ganun yon.

sabi ko noon magtitira ako ng kahit kaunti para sayo. pero nagising na lang ako isang umagang nag-uumapaw ang puso. nakakagulat na hindi pala ito mauubusan. madaming-madami pang pwedeng ibuhos para sa bagong pag-ibig.

sabi ko noon magtitira ako ng kahit kaunti para sayo. malakas na naman ang tibok ng dibdib. marami na namang lamang emosyon. hindi ko mahanap ang mga inilaan ko sayo.

sabi ko noon magtitira ako ng kahit kaunti para sayo. isang umaga nagising akong hinahanap kung nasaan ang itinirang kapurit na iyon. paanong nawala na lang bigla? ubos na’t walang bigat.

sabi ko noon magtitira ako ng kahit kaunti para sayo. eto’t kinakain ko na naman ang mga sinabi ko.

 

 

cherryred 061514

Advertisements