mamahalin kita
sa paraang
minamahal ko ang dagat
kung paanong ang tubig alat
ay akin
at sa akin lang
sa oras na iyon,
kung paanong mula dahan-dahan
at puno ng alinlangan akong nagsawsaw ng paa sa tubig,
isa-isang daliri,
mula sa mabagal na pagkawkaw
hanggang sa pakandi-kandirit na pagtatampisaw
tuwang hindi humihiling ng pagkapit
hindi ikakahon ang tubig dagat sa garapon,
hindi iuuwi sa bahay,
at aasang sapat na yun para maibsan
ang uhaw kapag hinahanap ng balat ko
ang mga patak nitong
may pitik ng anghang at lamig
maingat na kinalkula
para magpalamig
kapag mainit,
para magpainit
kapag malamig
mamahalin kita
nang may lalim,
nang may bigat,
bibigyan ka ng kahulugan
aalayan ka ng mga salita’t yapos
hahagkan ka sa umaga
nakaliyad sa umagang sasalubungin mo ako sa dalampasigan
matyagang mag-aantay ng pagbalik ng mga alon mo sa gabi
tatalikod ako
ipipikit ang mga mata
at tatakpan ang mga tenga
sa mga panahong
ibang mga paa
ang nagtatampisaw sa iyo
mamahalin kita
sa paraang
minamahal ko ang dagat
hindi ikakahon
hindi ibubulsa
hindi ikakadena
hindi ikukulong
sa apat na sulok
ng palasyo kong parisukat
na binuo sa buhangin
hahawakan kita sa paraang
hinahawakan ko ang buhangin,
hindi masyadong mahigpit
para umalpas at kumawala
sapat lang ang luwag
para hindi matapon lahat
mamahalin kita katulad ng along
ipinipikit ng mata ko
tuwing humahampas sa mukha at katawan ko
puno ng pagsamba
walang pagmamay-ari
mamahalin kita
sa paraang
minamahal ko ang dagat
sa bawat oras na itinakda para sa akin
hindi ako hihiling ng labis –
hindi pa,
hindi kailanman.
ihampas mo lang ang alon ng
pagnanasa’t pag-ibig mo sa akin
maliit, malaki
mabigat, magaan
ihampas mo lang sa
kaluluwa ko
tatanggapin ko yan.
cherryred 012715
artworks by: Daniele Bueti