Archive for July, 2015

bagyo

Posted: July 13, 2015 in Uncategorized

hindi mapakali ang panahon. nariyang humuni ang kalma ng hangin sa hapon, nariyang dumaluyong ang buhos ng malalaking patak ng ulan sa gabi. ang bawat umaga ay palaisipan. minsan ay magigising sa haplos ng malamya at malambing na sikat ng araw. minsan ay maalimpungatang naliligo sa pawis dahil sa tindi ng init. minsan mahirap bumangon sa lamig na dala ng ambon sa bukang liwayway.

may bagyong pabalik-balik. nasira na ang tahanan, winasak ang mga ari-arian. iiwan kang lugmok na walang-wala. walang makapitan. wala nang maiiyak. walang maisigaw. pagod at hapo na sa paulit-ulit na pagbagsak ng mabibigat na mga patak ng ulan na imbes na iwasan mo ay haharapin mo at masaya mong sasalubungin habang naliligo sa ulan – nakabuka ang mga braso, nakadipa ang mga kamay.

ilang zero visibility na din ang sinikmura ko dahil minahal ko ang bagyo. nakakatawang kung kailan malakas ang pagragasa ng mga emosyon kong pinipilit kong umabot sayo para maging area of responsibility kita ay saka ka naman biglang nawala.

yung totoo, nakakagulat din na lumilipas ang panahon ng ganun kabilis, na hindi mabasa ang parating na kinabukasan. maraming bagyo na rin ang dumaan sa buhay ko. hindi lang iilang buhawi o hagabat ang nagawang harapin. sa dulo, gulpi ka man ng pabago-bagong simoy ng hangin, matutuklasan mong nariyan pa rin ang pagnanais na sa bawat umaga ay bumangon. minsan biglang tayo mula sa kumot ng mga panaginip. minsan mahirap makipagbunung-braso sa antok na kumakapit pa galing sa malamig na kama.

sa katapusan ng bawat bagyo at bagong umaga ay ang bagong kasabay sa buhay – kayakap sa malamig na paggising o nag-aabang sayo sa kusina hawak ang nakahanda nang kape na syang lakas mo para sa bagong umaga.

CherryRed 071315